Ano ang MMS?
Multiple Micronutrient Supplements (MMS)
Ang MMS ay isang pang araw-araw na suplimentasyon ng mga bitamina at mineral para sa mga buntis.
Naglalaman ito ng 15 micronutrients, kasama ang iron at folic acid.
Tinatawag din itong:
- prenatal vitamins
- prenatal multivitamins
Mga Benepisyo
Ang mulitple micronutrients sa MMS ay tumutulong sa ina at sa sanggol
Mas malaki ang maitutulong ng mga multiple micronutrients sa kalusugan ngina at ng kanyang anak, kapag mas maaga sinimulan at kung patuluy-tuloy ang pag-inom ng MMS.
Ang MMS ay tumutulong:
- Mabawasan ang anemia, pagkabulag sa gabi, at iba pang sintomas na sanhi ng kakulangan sa bitamina at mineral
- Mapabuti ang kalagayan ng iluluwal na sanggol, kasama na ang pagkakaroon ng hustong timbang
- Mabawasan ang napapanganak na kulang sa buwan
- Mabawasan ang mga stillbirths
- Mabawasan ang panganib na mamatay ang sanggol bago umabot sa edad na anim na buwan
- Mapalakas ang resistensya
- Sa paglago ng katawan at isip ng sanggol
- Maitaguyod ang matatag na pundasyon para sa paglaki ng malusog na bata
Kasama sa MMS ang mga sumusunod na 15 micronutrients:
- Vitamin B1, B3, at B6: Paglago ng utak at nervous system ng sanggol
- Vitamin E: Isang antioxidant na tumutulong sa pagpapalakas ng resistensya at pagbawas ng stillbirth at panganganak ng kulang sa buwan
- Vitamin D: Nagpapatibay ng mga buto, nakatutulong sa pag-iwas ng sanggol sa sakit na rickets
- Selenium: Isang antioxidant na sinusuportahan ang pagproseso ng iodine sa katawan
- Vitamin B2: Tumutulong sa pagproseso ng katawan ng folic acid at ng iba pang vitamin B, sa pagdaloy ng sustansya sa katawan at sa pagkakaroon ng malinaw na paningin at malusog na balat
- Zinc: Positibong epekto sa timbang ng bagong silang na sanggol
- Vitamin A: ay nagpapabuti sa pagproseso ng katawan sa iron at nakatutulong para sa malinaw na pangingin, malakas na resistensya at sa maayos na paglaki ng sanggol.
- Vitamin C: Tumutulong sa pagsipsip ng katawan sa iron
- Iodine: Napakahalaga para sa pagbuo ng utak ng sanggol
- Vitamin B12: Mahalaga para sa normal na cell division at sa pagbubuo ng nervous system
- Copper: Pagbubuo sa tissue ng sanggol sa unang anim na buwan
- Iron: Tumutulong sa pag-iwas sa anemia na sanhi ng kakulangan sa iron na may kaugnayan sa pagkahapo at panghihina. Nakatutulong din sa pag-iwas sa pagkakasakit at pagkamatay sa loob ng unang buwan ng buhay ng sanggol, sa pagluluwal ng sanggol na mababa ang timbang, at sa panganganak nang kulang sa buwan. Tumutulong sa maayos na paglago ng utak ng sanggol.
- Folic Acid: Naiiwasan ang pagkakaroon ng depekto sa sanggol sa simula ng pagbubuntis
Mga Panuto
Ang MMS ay madaling inumin
- Uminom ng 1 (isang) tableta ng MMS kada araw, araw- araw sa kabuuan ng pagbubuntis
- Ang isang babae ay dapat magsimulang uminom ng MMS sa oras na malaman niyang siya ay buntis
- Kung may natira pang MMS pagkapanganak, inumin ang natitirang mga tableta habang nagpapasuso.
- Huwag inumin kasabay ng IFA
- Kung may nalaktawang araw, ipagpatuloy ang pag-inom ng isang tableta kada araw sa kinabukasan. Huwag uminom ng dalawang tableta kinabukasan
- Itago ang MMS sa hindi maaabot ng mga bata.
Mga Side Effects
Mga Maliliit na Epekto
Kung ininom ayon sa direksyon, ang ilang kababaihan ay nakakaranas ng:
- Pananakit ng Tiyan
- Pagkatibi
- Kakaiba o masamang lasa sa bibig pagkatapos uminom ng MMS
Mga Dapat Gawin para Maiwasan ang Mga Side Effects
Ang mga side effects ay karaniwang pansamantala at mawawala habang nasasanay ang katawan sa MMS.
Ang pag-inom ng MMS sa gabi na may kasamang pagkain at tubig ay maaaring makatulong na mabawasan ang mga side effects.
Ang mga buntis na nakakaranas ng mga partikular na side effects ay maaaring payuhan na gawin ang mga sumusunod:
- Sakit ng ulo – uminom ng maraming tubig at siguraduhing sapat at maayos ang tulog
- Sakit ng tiyan at pagsusuka – inumin ang MMS kasama ng pagkain o kaya ay inumin sa gabi.
- Pagkatibi – kumain ng maraming pagkain na may fiber tulad ng mga prutas at gulay at dagdagan ang pag-inom ng tubig.
Payuhan ang babaeng buntis na kumunsulta sa kanyang duktor kung ang mga side effects ay magpatuloy pa rin sa kabila ng pagsunod niya sa mga tips sa itaas.
MMS vs. IFA
Mga pagkakaiba ng MMS at IFA:
Katulad ng iron at folic acid (IFA) supplementation, binabawasan ng MMS ang panganib na magkaroon ng anemia ang buntis. Kung ihahambing sa IFA supplementation, ang MMS ay nakatutulong na mabawasan ang panganib na magkaroon ng:
- sanggol na mababa ang timbang kapag pinanganak
- stillbirth
- pagkamatay ng sanggol sa ika-6 na buwan ng edad
- sanggol na maliit para sa kabuwanan
- panganganak na wala pa sa kabuwanan
- Huwag nang alukin ng MMS ang babaeng tumatanggap na ng IFA supplements.
- Huwag parehong inumin ang MMS at IFA. Ito ay nagigigng dahilan ng sobra-sobrang iron sa katawan ng isang buntis Pumili ng isa at iyon ang siyang inumin sa kabuuan ng pagbubuntis.
- Huwag na paghalinhinin ang MMS at IFA pills sa kada araw. Inumin lamang ang isa sa dalawa sa kabuuan ng pagbubuntis.
Pagpapabuti ng Patuloy na Pag-inom ng MMS
Mga mungkahi sa paghihikayat sa mga buntis na magpatuloy sa pag-inom ng MMS sa kabuuan ng kanilang pagbubuntis:
- Pag-usapan kung saan itatago ang MMS sa kanyang bahay. Ipaalala sa kanya na itago ang mga tableta ng MMS sa isang ligtas, hindi mainit at tuyong lugar nang sa ganoon ay maiwasan ang pag-iibang kulay ng mga tableta.
- Tanungin ang babae kung siya ay may katanungan tungkol sa MMS o kung may rason ba siya para hindi uminom nito. Kung mayroon, tulungang masagot ang mga katanungan at tugunan ang kanyang mga alalahanin.
- Uminom ng MMS sa parehong oras araw-araw
- Mag-set ng alarm o gumamit ng isang pagpapaalala sa pag-inom ng MMS sa araw-araw.
- Itago ang bote sa isang lugar kung saan makikita ito araw-araw (hindi abot ng mga bata)
- Pakiusapan ang mga kapamilya o mga kaibigan na tumulong sa pagbibigay paalala.